Make Your Nanay Proud ni Marcel Milliam

_MRL8620

Make Your Nanay Proud

Ni Marcel Milliam

 

Magsusulat ako ng tula

Hindi ko na masyadong hahabaan

Iiksihan ko na lang para matapos agad

Wala naman kasi akong bagong sasabihin.

 

Tungkol ito sa aking mahal na Nanay.

Oh di ba? Lahat naman nasabi na?

Hindi naman ako magaling na makata

Kaya ano pa ba ang aking maidadagdag.

 

Alam na ng lahat na sya ay dakila

Alam na din ang kanyang kalinga

Naisulat na ng mas maganda

Ang kabusilakan ng puso nya.

 

Nasabi na ri siguro ng iba

Ang walang kapantay na pagmamahal nya

Naisatula na rin ng marami

Ang walang pagod nyang dedikasyon sa pamilya.

 

Ano pa nga ba ang maidadagdag ko

Sa apakahaba nang listahan ng mga tula

Na iniaalay para sa mga ina

Ano ang hindi naririnig pa?

 

Ngunit bakit yata tila kulang pa rin

Ang mga tulang alay sa kanya?

Bakit naitutulak pa rin ng puso ang pluma

Kapag si Nanay na ang pinag uusapan.

 

Ang tutoo nyan, walang salita

Na maisisulat ko o masambit nino man

Ang magiging sapat para parangalan

Ang ating mga nanay.

 

Paano mo ba kasi pasasalamatan

Ang taong unang nagturo sa yong magsulat

Unang nagtyaga upang makapagbasa

Syang nagluwal at sa akin agbigay buhay?

 

Masabi man ang lahat lahat

Ito ay hindi pa rin sapat

Na pasasalamat at pagpupugay

Sa aking mahal na nanay.

 

 

Maubos man ang mga kataga

Maubos man ang  mga talata

Masabi man ng paulit ulit

Maisulat man ang bawat metapora.

 

Walang wala ang aking mga tula

Kulang na kulang pa rin gaano man kahaba

Abutin man tayo ng susunod na linggo

Hindi mauubos ang pagpupugay ko.

 

Mas mainam na lang siguro

Kung ang pasasalamat ko ay idadaan

Sa araw araw na pamumuhay

Na magiging kalugod lugod sa kanya

 

Isusulat ko ang aking tula

Sa pamamagitan ng pamumuhay ko

Marangal at mahusay para kay Nanay

Sa bawat sandali ko dito sa mundo.

 

Kaya magsusulat ako ng tula

Hindi ko na masyadong hahabaan

Para sa simula at katapusan ng aking lahat lahat

Nanay, pangako ko, maipagmamayabang mo ako.

This entry was posted in Featured on by .